SI BARABAS AT TAYO
Biyernes Santo, 29 Marso 2024,
Ang Pasyon ng Panginoon Ayon kay San Juan
Wala daw makitang dahilan ang Romanong Gobernador na si Poncio Pilato para patawan ng parusang kamatayan si Hesus batay sa batas ng Roma. Ang mga punong pari ng templo sa Jerusalem, sila daw ang nagdidiin sa gobernador na dapat daw na maparusahan si Hesus. “Edi parusahan nyo siya ayon sa batas ninyo!” Sabi tuloy ni Pilato. Pero nangatuwiran sila sa kanya; mula daw nang mapailalim sila sa pamamalakad ng gobernador ng Roma, wala na silang otoridad na magpataw ng parusang kamatayan. Kaya kahit labag sa kalooban ni Pilato, pinadaan siya si Hesus sa proseso ng paglilitis. At nakita niya agad na hindi talaga rebelde o subersibo ang taong ito. Hindi gubyerno ang kalaban niya kundi ang institusyon ng templo. Ibang tao ang tumatawag sa kanya na Mesiyas o Hari ng mga Hudyo. Katotohanan lang daw ang itinuturo niya, na hindi matanggap ng mga pari. Nakita agad ni Pilato na hindi usapin ng pulitika ang mga paratang kay Hesus. Kaya sa bandang huli iniwan na lang niya sa mga punong saserdote ang kapalaran ni Hesus; naghugas-kamay siya.
Sa una kasi, akala ni Pilato makukuntento na ang mga punong-pari ng templo kung parurusahan niya si Hesus ng hagupit. Kaya pinahagupit niya siya at dinispley siya sa kanila na duguan at bugbog-sarado. Pero para sa kanila hindi pa sapat ang parusang iyon, kamatayan talaga ang gusto nila para kay Hesus. Hindi nila masabi na ang tunay na dahilan sa matinding galit nila sa kanya ay dahil kinalaban ni Hesus ang kanilang negosyo sa templo. Kaya sa bandang huli, hinayaan na lang sila ni Pilato na gawin kay Hesus ang gusto nila. Humirit pa ngang muli ang governador, baka sakali magbago pa ang isip nila. Kasi, kahit sentensyado na ang tao, pwede pa namang palayain ng gobernador ayon sa Batas, dahil may pribilehiyo siya na magbigay ng amnestiya pag pyesta ng Paskwa. Pero ayaw pa ring sumang-ayon ng mga punong-pari. Si Pilato naman ngayon ang kanilang iniipit; isusumbong daw siya sa emperador. Kaya pinamili na lang sila ni Pilato kung sino ang palalayain: ang rebeldeng si Barabas na nakulong dahil may nagawang krimen o kasalanan, o si Hesus na wala namang kasalanan. Pinili nila si Barabas. Delikado talaga kapag iniwan ang desisyon sa mga taong nadidiliman ng isip!
Parang inilalarawan ng manunulat si Barabas bilang simbolong kumakatawan sa atin, simbolo ng taong makasalanan na pinawalang-sala at pinalaya. Si Hesus na walang kasalanan ang kumuha sa lugar niya at umako sa parusa para sa kanyang mga kasalanan. Isipin mo kung ikaw si Barabas. Nakatakda na ang araw para ikaw ay bitayin. Pagkatapos biglang bubuksan ng guwardya ang iyong selda, kakalagin ang posas o tanikala mula sa mga kamay mo at sasabihan kang malaya ka na, na mayroon nang kumuha sa lugar mo. Paglabas mo, dadaan ka sa may kalbaryo at makikita mo siyang naghihingalo sa krus.
Ang narinig nating unang pagbasa mula sa chapter 53 ng aklat ni Isaias ay isang orakulo ng propeta tungkol sa isang karakter na tinatawag niyang “Lingkod ng Diyos”. Binabasa ito taon-taon tuwing araw ng Biyernes Santo dahil ito ang pagbasang nagmulat sa mga mata ng mga unang Kristiyano tungkol sa kahulugan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Pakinggan nating muli ang sinabi sa mahiwagang orakulong ito:
“Tiniis niya ang hirap na tayo ang dapat magbata, gayundin ang sakit na tayo sana ang lumasap; akala natin ang dinanas niya ay parusa sa kanya ng Diyos…. Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya’y nasugatan, siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa paghihirap na tinamo niya at mga hampas na kanyang tinanggap… Siya ay binugbog at pinahirapan, ngunit hindi tumutol kahit kaunti man. Katulad ay korderong hatid sa patayan…hindi umimik kahit gaputok man… Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan…inihandog niya ang sarili upang sa pamamagitan niya ay magkaroon ng kapatawaran… Ang tapat kong lingkod at lubos kong kinalulugdan ang tatanggap ng parusa ng marami, at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin… pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili at nilasap ang kaparusahan ng masasama.”
Itong pagbasang ito ang nagpaunawa sa mga unang Kristiyano sa layunin ng malagim at marahas na kamatayan ni Hesus sa krus kahit wala siyang kasalanan. Dito lang sa buong Bibliya unang pumasok ang katuruan tungkol sa ibang klaseng layunin ng pagdurusa-hindi parusa o bunga ng kasalanan, hindi pagsubok sa nagdurusa kundi paraan ng pagtubos. Ang kusang-loob na pag-ako ni Kristo sa pagdurusa at kamatayan bilang pantubos sa kasalanan ng sangkatauhan. Ang simbolong nagmulat sa kanila ay ang biserong tupa o kambing na pinapatay, kinakatay at pinagsasaluhan nila kapag Pyesta ng Paskwa, bilang paggunita sa dugo ng kordero na iwinisik ng mga Hebreong alipin sa kanilang mga pintuan upang lampasan sila ng anghel ng kamatayan at mapalaya sila sa pagkaalipin.
Ito ang diwa ng Biyernes Santo, na sa Ingles ay Good Friday,
Негізгі бет SI BARABAS AT TAYO
Пікірлер: 14